MGA DAPAT MAIPABATID SA MGA SOCIAL MEDIA USER
Pananalita sa Social Media for Social Change Forum ng Kabataan Partylist
para sa pagdiriwang ng World Social Media Day
Infinitea Maginhawa, June 30, 2013
Magandang hapon po at happy social media weekend sa inyong lahat. Kahapon ay nagkita-kita na ang ilan sa atin. Dumalo ako sa #fwdPH ng TweetUp Manila, at ikinagagalak kong maging bahagi ng social media forum ng Kabataan Party, na matagal nang nakakapartner sa iba’t ibang gawain ng ngayo’y lulubog-lilitaw kong Tinig.com, at ng inactive na ring Bloggers Kapihan — na sana’y maibalik natin ngayong taon.
Ngayong araw, nagsasalita po ako hindi bilang empleyado ng kompanyang aking pinagtatrabahuhan kundi bilang isang matagal-tagal na ring blogger at isa sa mga naunang sawsawero sa mundo ng social media.
May sampung taon na mula nang maadik tayo sa Friendster. Naaliw tayo sa pagba-browse ng latest pictures ng mga kaibigan natin. Para sa mga kaedaran ko rito, hinanap natin at inalam kung ano na ang hitsura ng mga kaibigan at mga crush natin noong elementary. Excited tayong naghintay, at minsa’y nangulit pa — na bigyan ng testimonial ng Friendster friends natin. Hanggang sa nailang na tayo sa kakaibang themes sa Friendster at nakilala natin ang Facebook. Kalaunan, dumating na rin ang Twitter. Sinundan pa yan ng Google Plus, Instagram, Pinterest, Vine, at iba pa.
Unti-unti na ring nag-evolve ang paggamit natin sa social networking services na ito, na ang nilalaman ay tinatawag natin ngayon collectively bilang social media. Mula sa pagiging personal journal na venue para makapagpahayag ng mga angas natin sa buhay — na siya pa rin namang pangunahing gamit nito para sa marami sa atin — nadagdagan na ito ng iba’t iba pa. Ginagamit na rin ng businesses at brands ang social media para mai-promote ang kanilang produkto; ng celebrities para maka-connect sa kanilang fans; ng mga politiko para sa pangangampanya. Pero alam kong bago pa man mauso itong huli, mayroon nang Kabataan Cyber-Fever noong 2007 ang Kabataan Party. Hindi pa sikat sa atin ang Twitter noon.
Gayunman, sa kabila ng dumaraming gamit ng social media, hindi tayo dapat magkaroon ng ilusyong may napakatindi na itong impact sa ating buhay.
Nariyan pa rin ang digital divide. Tingnan ang kasalukuyang estimates: out of around 97 million Filipinos, nasa 33 million pa lang ang may Internet access. Sa 33 milyong online, around 30 milyon ang may Facebook, 10 milyon lang ang may Twitter, at hindi pa natin alam kung ilan ang may Google Plus.
At sa nakalipas na eleksyon, nabigo ang social media na iluklok sa puwesto sina Teddy Casiño, Risa Hontiveros, Bro. Eddie Villanueva, Jun Magsaysay, Dick Gordon, at iba pang mga kandidatong matunog sa online social networks. Dinaig sila ni Nancy Binay, na tila hindi ganoon kaningning ang bituin sa online communities.
Sa kabila nito, hindi maitatangging kailangan nang paghandaan ang pagdating ng panahong halos lahat ng Pilipino ay nasa social media na. Kung paanong ngayon, halos lahat ng mga Pilipino ay may cellphone na, maaaring dumating ang panahong halos lahat ng Pilipino ay online na.
Isa sa magiging dahilan nito ang patuloy na pagdami ng smartphones. Ayon sa GFK, isang research firm, nakapagtala ang Pilipinas nang 146% increase sa sales ng smartphones mula April 2012 hanggang March 2013.
Samantala, habang nagpapatuloy ang kampanya para sa Better Internet sa bansa, unti-unti rin namang bumababa ang halaga ng access sa Internet.
Kabilang sa paghahanda sa pagdating ng panahong halos lahat ng Pilipino ay online na ay ang pagsisikap na maipakilala natin — ng mga mamamahayag, ng netizens, ng political at community leaders — sa madla kung ano-ano ba ang magiging pakinabang natin sa existing social networks na ito.
Sa tingin ko, dalawang level ito: pagtuturo sa mga individual at pagtuturo sa mga institusyon.
Kailangang simulan sa napaka-basic gaya ng ano-ano ba ang kailangan para magkaroon ng Twitter o Facebook?
Ano-ano ang gamit ng mga ito? Ano ang pagkakaiba ng Twitter sa Facebook o ng Instagram sa Vine? Paano mag-sign-up? Paano mag-login? Sa ano-anong devices ito maaaring ma-access? Paano i-download ang app? Paano mag-post, mag-reply, at mag-comment?
Matapos pong pagtuunan ng technical aspect ng social networking sites, yung content naman ang mahalagang ipaunawa. Sisimulan din sa form ng content — na mahalaga pa ring tama ang English at Filipino grammar sa posts natin. Dapat hindi jejemon para madaling basahin. Ang posts, dapat hindi all caps — sa netiquette, o Internet etiquette, ang all caps ay pagsigaw.
Kailangan ding sagutin ang mga tanong gaya ng: OK lang bang i-crosspost ang tweets natin papuntang Facebook o vice-versa? Mahalagang ipaunawa sa users na bawat social networking sites ay may kaniya-kaniyang papel. Kaya sa iba, hindi okay ang magpopost ka sa Facebook at automatic na mapupunta sa Twitter with an ugly Facebook link. Or ‘yong tweet mo, including ‘yong my @ replies, mapupunta sa Facebook. But of course, matter of preference lang ‘yan.
Pero para sa akin, halimbawa, hindi tamang tadtarin mo ng links sa Foursquare logins mo ang Twitter timeline ng followers mo. Pakialam ko ba kung nasaang lugar ka? Kung gusto kong malaman kung nasaan ka minu-minuto, halimbawa, eh ‘di ia-add kita sa Foursquare. Ganyan din sa Instagram. Sa tingin ko, maling-mali na naka-share pa rin sa Twitter feed mo ang bawat Instagram posts mo. Hindi na kasi gaya ng dati na mapi-preview sa Twitter ang photo. Ngayon, kailangan mo nang i-click ang link para makita ang picture. Eh, kung gusto kong makita kung ano ang breakfast mo, o kung ano ang hitsura mo sa latest selfie mo, eh di ipa-follow kita sa Instagram.
Nabanggit ang selfie. Gaano kadalas ang minsan? Gaano ka ka-in love sa sarili mo? Medyo isyu na rin ito ng etiketa sa Internet.
Samantala, OK lang ba na ipost ang pictures ninyo ng mga kaibigan mo sa public timeline mo sa Facebook kahit walang permission ng mga kasama mo sa litrato? Paano kung pangit ang kuha nila? Ilan ‘yan sa mga isyung makakatulong tayo sa paglilinaw.
Balik tayo sa nilalaman ng social media. Laging trending sa Twitter ang KathNiel o ang JuliElmo loveteams. May mga iba pa bang bagay na maaaring i-tweet ang mga kabataang Twitter users? At least ang My Husbands’ Lover, na araw-araw ding nagte-trend, kahit paano’y nagdadala sa kamalayan ng publiko sa isyu ng LGBT community.
Mahalagang maipaalam sa netizens, lalo na sa mga kabataan, na ang social media ay magagamit din para sa pambansang layunin. Nariyan ang #epalwatch ng mga anti-epal, #sumbongko ng Comelec, #ang #FOInow ng nga nagsusulong ng transparency sa gobyerno, ang #itsmorefuninthephilippines at #lubak2normal ng gobyerno, ang #rescuePH na tumutulong sa panahon ng sakuna. Alam ko, ginagamit din ng Kabataan Party ang social media sa inyong Tulong Kabataan campaign.
Sa kabutihang-palad, may efforts naman mula sa iba’t ibang sektor para tutukan ang pag-i-educate sa publiko tungkol sa Internet at social media. Ang Bayantel, tinutulungan ni Lola Techie na gawing maaalam sa Internet ang senior citizens. Ang GMA Network, may Think Before You Click campaign na nagtuturo sa netizens na maging responsible online.
Sa level naman ng institutions, pinangungunahan ng pamahalaan ang paggamit ng social media for public information. Aktibo sina Manolo Quezon ng Malacañang sa paggamit nito. Nakikipag-usap din sila sa NGOs at media organizations para sa coordination sa public information on social media. Bunga nito ang common hashtags gaya ng #walangpasok, #floodPH, at iba pa. Noong panahon ni DILG Sec. Jesse Robredo, open siya sa mga ganyang suggestion. Lumapit ang GMA News sa opisina niya para isulong ang paggamit ng Twitter sa pag-a-announce ng suspension ng classes at iba pang public announcements kapag masama ang panahon. Kinalaunan, in-adopt ng gobyeno at ini-endorse ang common hashtag na #walangpasok.
Susunod na kailangang ipaalam sa prospective social network users ang implikasyon ng paggamit ng mga ito sa kanilang privacy at seguridad.
Mabalik tayo sa Foursquare. Safe ba na i-announce kung nasaan ka lagi? Puwede naman. Dapat lang, sigurado kang super close kayo ng lahat ng Foursquare friends mo. Kung magbabakasyon nang out of town at walang tao sa bahay, pigil-pigil muna sa pagpopost ng jumpshot sa beach. Puwedeng makipagkilala online, pero ingat sa mga impormasyong ibabahagi. May mga nakidnap na sa ganyan.
Para sa Kabataan Party, mahalagang i-consider sa inyong legislative efforts ang pagpapaalam sa mga tao sa kanilang online security. Siyempre kaagapay ito sa malalaki pang laban gaya ng pagre-review sa Anti-Cybercrime law.
Bago ko tapusin ito, naalala ko lang ang matagal nang debate ng bloggers vs. journalists. Nagkaroon ng kontrobersiya noon sa mungkahi ng propesor kong si Luis Teodoro na magandang mag-blog ang journalists at maging halimbawa ng ethical blogging sa mga bagong bloggers. Kinuwestiyon ng marami ang pakikialam daw ng mainstream journalists sa bloggers. Pero noon at ngayon, iisa lang naman ang mensahe. Sa pagpopost ng information na maaabot ng publiko sa alinmang platform, mahalagang maging responsible.
Naniniwala ako na ang mga bloggers at social media users — lalong-lalo na ang mga tumatalakay sa mga pampublikong isyu — ay dapat maging ethical. Mahalaga ang transparency. Sa panahong andaming endorsements mula sa influential tweeps, dapat may disclosure.
Sa huli, nais kong isulong ang kahalagahan ng attribution sa social media. Usong-uso ngayon ang viral photos at videos. Sa kakapasa, napakahirap nang ma-trace ang orihinal na may-ari. Pero kung masanay ang mga netizen sa attribution, sa tamang pagki-credit sa gawa ng iba, mas madali ang pag-a-identify at pag-i-evaluate sa original na source ng info.
Makakatulong itong mapigilan ang misinformation at maisusulong ang intellectual honesty. At saka baka sakaling mabawas-bawasan ang mga estudyanteng magka-copy and paste ng assignment sa Wikipedia at manghihingi ng talumpati sa bloggers.
Maraming salamat po.
Sanggunian: ederic.net
0 comments:
Mag-post ng isang Komento