PONEMANG SUPRASEGMENTAL
Ang Ponemang Suprasegmental ay mahalaga para sa mabisang pakikipagtalastasan. Nakatutulong ito upang maging mas malinaw at maiparating ang tamang damdamin sa pagpapahayag.
1. Intonasyon, Tono, at Punto
Ang intonasyon ay tumutukoy sa pagtaas at pagbaba na inuukol sa pagbigkas ng pantig sa salita na maaaring makapag-iba sa kahulugan ng mga salita maging ang mga ito man ay magkapareho ng baybay. Ang tono ng pagsasalita ay nagpapahayag ng tindi ng damdamin samantalang ang punto ay ang rehiyonal na tunog o accent.
Halimbawa:
1. Ang ganda ng tula? (Nagtatanong/Nagdududa)
2. Ang ganda ng tula. (Nagsasalaysay)
3. Ang ganda ng tula! (Nagpapahayag ng kasiyahan)
2. Diin at Haba
Ang haba ay tumutukoy sa haba ng bigkas na inuukol ng nagsasalita sa patinig ng pantig ng salita. Ang diin naman ay tumutukoy sa lakas ng bigkas sa pantig ng salita.
Halimbawa:
1. /balah/ (bullet)
2. /bala/ (threat)
3. /tu.boh) (pipe)
4. /tuboh/ (sugar cane)
3. Hinto o Antala
Ito ay saglit na pagtigil sa pagsasalita upang higit na maging malinaw ang mensaheng ipinapahayag. Ginagamit ang kuwit, tuldok, semi-kolon, at kolon sa pagsulat upang maipakita ito.
Halimbawa:
1. Hindi maganda. (sinasabing hindi maganda ang isang bagay)
2. Hindi, maganda. (pinasusubalian ang isang bagay at sinasabing maganda ito)
Bukod sa mga ponemang suprasegmental ay nakatutulong din sa mabisang pagpapahayag ang mga di-berbal na palatandaan gaya ng kumpas at galaw ng mata at katawan lalo na sa pagbigkas ng tula.
Ang pagkumpas ay mahalagang sangkap sa sining ng pagbigkas ng tula. Ginagamit ito upang maihatid ang damdamin ng tula sa madla o mailarawan ang kaisipang inilalahad nito. Dapat tandaan na ang bawat kumpas ay kailangang maging natural, hindi pabigla-bigla ang pagtaas o pagbababa ng kamay. Hindi pasulpot-sulpot ang kamay at lalong hindi palamya-lamya ang galaw ng bisig. Kailangang ang kumpas ay maging angkop sa daloy ng damdaming nais ilarawan. Ang wastong pagkumpas ay nakatutulong sa pagtaas ng damdamin hanggang marating ang pinakamaigting na damdaming inihahatid sa madla.
Gayundin, mahalaga sa pagbigkas ang pagdisiplina. Maging ang galaw ng mata at katawan ay dapat magkaroon ng kaisahan. Kung ang pokus ng paningin ay sa gawing kaliwa, lahat ng pares ng mata ay dito dapat nakatuon. Ang paglalapat ng angkop na galaw ay nakadaragdag sa kagandahan o kasiningan sa pagpapahayag. Ang kumpas o kilos na gagawin ay dapat umaayon sa diwang isinasaad ng nais sabihin o bigkasin.
Sanggunian:
Baisa-Julian, A.G., Lontoc, N.S, Esguerra, C.H., & Dayag, A.M.
(2014).
Pinagyamang Pluma 7. Quezon
City: Phoenix Publishing House.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento