Get me outta here!

Martes, Enero 16, 2024

TOP 5 HAMON BILANG GURO NGAYONG PANAHON NG MAKABAGONG TEKNOLOHIYA

 

TOP 5 HAMON BILANG GURO NGAYONG PANAHON NG MAKABAGONG TEKNOLOHIYA

    Bilang isang guro, ramdam ko ang mga hamon na kinakaharap ng mga tulad kong nasa larangan ng pagtuturo. Totoo, ang makabagong teknolohiya ay may malaking epekto at ambag sa ating buhay. Bilang isang indibidwal na namulat at sanay na sa ganitong pamumuhay, tila mahihirapan tayong suungin ang kahit isang araw pa lamang na wala ito. Ngunit, ano nga ba ang makabagong teknolohiya o modern techology sa ingles? Ang makabagong teknolohiya ay anumang may kinalaman sa kahusayan at bilis. Sa panahon ngayon, anumang may kaugnayan dito ay mas tinatangkilik ng masa. Halimbawa na lamang ang paggamit ng internet sa tuwing mayroon kang ninanais na malaman na impormasyon. Ang paggamit ng cellphone o smartphones na kung saan ay halos all-in-one na sapagkat mayroon na itong radyo, calculator, kalendaryo, flashlight, at marami pang iba. Kaysa magluto, gagamit ng mga delivery platforms tulad ng food panda, grab, at iba pa. 

    Sa blog na ito, iisa-isahin ko ang mga hamon na aking naranasan at patuloy na nararanasan bilang isang guro.

1. Kakulangan sa kagamitan at internet access

    Bilang isang guro, ninanais kong makasabay sa panahon ng makabagong teknolohiya. Gumagamit at naghahanap ako ng mga mobile applications o online platforms na makatutulong hindi lamang sa aking pagtuturo ngunit pati na rin pagkatuto ng aking mga mag-aaral. Ngunit nagiging hadlang ang kakulangan ng kagamitan at hindi pantay na internet access ng aking mga mag-aaral. Sa aming mga pagsasanay o training bilang mga guro, mayroong mga online platforms at apps ang iminumungkahing gamitin sa klase upang mas maengganyo ang mga mag-aaral sa pakikinig o pakikisangkot sa klase ngunit, dahil nga sa kakulangan ng kagamitan at hindi pantay na internet access ng aking mga mag-aaral, limitado lamang ang aming nagagawa. Hindi naman magandang pabayaan na lamang ang mga estudyanteng walang smartphones at hindi naman nakabubuti ang palaging paghiram nila sa kanilang mga kaklase ng nasabing gadget.

    Ang mga pagkakataong tulad nito ay patunay na isa itong malaking hamon sa gurong katulad ko. Hindi lamang ako ang nakararanas nito. Ang hindi pantay-pantay na access sa teknolohiya at kakulangan sa kagamitan ay nananatiling malaking hamon sa mga guro sa Pilipinas.

2. Professional Development

    Upang makasabay sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, kinakailangan na mabilis din ang pakikibagay dito ng mga guro. Upang maisagawa ito, kinakailangan ang mga pagsasanay na may kinalaman sa makabagong teknolohiya. Makatutulong ito higit lalo na sa mga guro na hindi pamilyar dito. Ang paggamit ng mga softwares tulad ng microsoft office na word document, excel, publisher, at iba pa ay talagang makatutulong dahil ito ang malimit na kaagapay namin sa aming mga gawain. Maging ang paggamit ng mga social media platforms upang makatulong sa mga guro at mag-aaral. Personal kong ginagamit ang facebook sa aking mga klase sapagkat dito ay mas madali kong naipababatid ang aming paksa o aralin sapagkat halos lahat ng aking mga mag-aaral ay mayroong account dito. Marami pang iba na maaaring maging kaagapay naming mga guro sa pagtuturo ngunit aminin natin na upang maisagawa ito ay kinakailangan ang oras, pondo, at suporta mula sa paaralan. Kung wala ang mga ito, masasabi kong magiging hadlang ito upang magkaroon ng pag-unlad at bagong kaalaman at kasanayan ang ating mga guro.

3. Digital Literacy


    Ano nga ba ang Digital Literacy? Ang pagiging digitally literate ay nangangahulugang ng pagkakaroon ng abilidad na makibagay sa pagbabagong dulot ng mga kompyuter sa paraang nagkakaroon ito ng kabuluhan sa iyong buhay. 

    Hindi lahat ng guro ay may sapat na kaalaman at kasanayan dito. Mahihirapan ang isang guro na turuan ang mga bata ngayon kung wala siyang kaalaman at kasanayan dito sapagkat ang mga kabataan ngayon ay sanay at mas natuto kung may integrasyon ng teknolohiya.

4. Seguridad at Privacy Concerns



   Tandaan, kung ang mga mag-aaral natin ay exposed sa pagiging high-tech, ganoon din ang mga manloloko o may masasamang balak. Nararapat lamang na bilang isang guro ay maging maingat tayo sa ating mga ipinapakita online higit lalo na kung ito ay bukas sa publiko. Kinakailangan din na protektahan natin ang impormasyon hindi lamang ng ating sarili kung hindi ay pati na rin ang tungkol sa mga mag-aaral. Palaging humingi ng permiso sa mga magulang ng iyong mga mag-aaral kung ikaw ay magpapaskil o magpopost ng kahit na anumang larawan o tungkol sa kanilang mga anak upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan at anumang masamang balak. 

5. Interes ng mga Mag-aaral



    Ang mga mag-aaral natin ay namulat sa mundo ng makabagong teknolohiya. Mas madali rin silang natututo kung sasabayan ito ng panonoood, pagsayaw, pag-awit, at iba pang pamamaraan ng pagtuturo. Hindi na epektibo ang tradisyunal na pagtuturo na kung saan ang guro lamang ang tatayo at magsasalita sa harap. Mas mapupukaw natin ang interes nila kung gagamit tayo ng mga teknolohiya na pupukaw sa kanilang galing at talento. Naipamamalas din nila ang kanilang pagkamalikhain at natatagong potensyal sa kanilang partisipasyon sa klase.


    Ikaw, bilang guro, ano-ano ba ang iyong naranasang hamon ngayong panahon ng makabagong teknolohiya? Ano sa tingin mo ang kinakailangan gawin natin o ng pamahalaan upang matugunan ang mga kakulangan?
    Ikaw, bilang isang mag-aaral, ano ang iyong mensahe sa iyong mga guro o sa pamahalaan na may kaugnayan sa paksang tinalakay natin ngayon?


Basahin ang iba pang blog dito:
Paano kumita sa pagcopy & paste ng mga links?
Canva Free Registration/Canva Free Template








0 comments:

Mag-post ng isang Komento