Get me outta here!

Miyerkules, Enero 31, 2024

Mga Salitang Ginagamit sa Impormal na Komunikasyon

 

Mga Salitang Ginagamit sa Impormal na Komunikasyon

    Ang mga salitang karaniwan at palasak na ginagamit sa mga pang-araw-araw na pakikipag-usap at pakikipagsulatan sa mga kakilala at kaibigan ay kabilang sa impormal na mga salita. Ang impormal na salita ay nauuri sa apat.

1. Lalawiganin (Provincialism)

    Ito ang mga salitang kilala at saklaw lamang ng pook na pinaggagamitan nito. Kapansin-pansin ang mga lalawiganing salita, bukod sa iba ang bigkas, may kakaiba pang tono ito.
Halimbawa: tugang (Bikol), dako (Bisaya), ngarud (Ilokano)

2. Balbal (Slang)

    Ang mga salitang ito ay tinatawag sa Ingles na slang. Ang mga salitang ito noong una ay hindi tinatanggap ng matatanda at mga may pinag-aralan dahil hindi raw magandang pakinggan. Ang mga salitang balbal ay tinatawag ding salitang kanto o salitang kalye.
Halimbawa: erpat - tatay                    tsikot-kotse
                    sikyo-security guard       lispu-pulis
                    yosi-sigarilyo                  praning-baliw

3. Kolokyal (Colloquial)

    Ito ay mga salitang ginagamit sa pang-araw-araw na pakikipagtalastasan ngunit may kagaspangan at pagkabulgar, bagama't may anyong repinado at malinis ayon sa kung sino ang nagsasalita.
Halimbawa:         Pormal                    Kolokyal
                             aywan                       ewan
                             piyesta                      pista
                             nasaan                       nasan

4. Banyaga

     Ito ay mga salitang mula sa ibang wika. Ang ating wika ay mayaman sa wikang banyaga. Karamihan sa mga ito ay pangalang tiyak, wika, teknikal, pang-agham, simbolong pangmatematika, o mga salitang banyagang walang salin sa wikang Filipino.

Palabuoan ng mga Salitang Balbal

    Kung paano binubuo ang mga karaniwang salita, ang pagkalikha ng mga salitang balbal ay mayroon ding pinagmulan. Narito ang kategorya ng mga salitang malimit nating marinig sa kasalukuyan di lamang sa kabataan kundi maging sa ilang matatanda.

1. Hinango mula sa mga salitang katutubo

Halimbawa:
    gurang (Bikol, Bisaya) - matanda
    utol (Bisaya) - kapatid
    buang (Bisaya) - luko-luko
    pabarabaraybay (Tagalog) - paharang-harang

2. Hinango sa Wikang Banyaga

Halimbawa:
    tisoy, tisay (Espanyol: mestizo, mestiza)
    tsimay, tsimoy (Espanyol: muchacha, muchacho)
    toma (Espanyol: tomar) inom
    kosa (Russian Mafia: Cosa Nostra)
    sikyo (Ingles: security guard)
    orig (Ingles: original)
    sisiw (Ingles: chicks)

3. Binaligtad (Inverted or Reversed Category)

Halimbawa: 
    gat-bi - bigat            = heavy burden
    tom-guts - gutom     = hungry
    astig- tigas               = strong/influential
    todits-dito                = here
    tsikot-kotse              = car
    lispu-pulis                = policeman

4. Nilikha (Coined Words)

Halimbawa:
    paeklat-maarte        = overacting
    espi-esposo             = husband
    hanep-papuri          = praise/appreciation
    bonsai-maliit          = very small


5. Pinaghalo-halo (Mixed Category)

Halimbawa:
    kadiri - pag-ayaw/pagtanggi     = dislike
    kilig to the bones - paghanga    = crush
    in-na-in - naayon/uso                = following the trends
 

6. Iningles (Englisized Category)

Halimbawa:
    jinx-malas                             = bad luck
    weird-pambihira                   = rare/unusual
    badtrip-kawalang pag-asa     = hopeless/frustrated
    yes, yes, yo - totoo                = approved

7. Dinaglat (Abbreviated Category)

Halimbawa:
    KSP - Kulang Sa Pansin
    SMB - Style Mo Bulok
    JAPAN - Just Always Pray At Night

8. Pagsasalarawan o Pagsasakatangian ng Isang Bagay

Halimbawa:
    yoyo- (dahil ang relo ay hugis yoyo)
    lagay- (dahil ang suhol ay inilalagay o isinisingit para hindi mahalata ang pagbibigay)
    boga - (dahil ang baril ay parang bumubuga)
    basag, durog - (dahil nawawala sa sariling isip kapag nakadroga)


Sanggunian:
Baisa-Julian, A.G., Lontoc, N.S, Del Rosario, M.G., & Dayag, A.M. (2017).
                       Pinagyamang Pluma 8. Quezon City: Phoenix Publishing House.




0 comments:

Mag-post ng isang Komento