Get me outta here!

Miyerkules, Enero 31, 2024

Mga Kaalamang-Bayan

 

MGA KAALAMANG-BAYAN

Tatalakayin dito ang mga paksang tungkol sa:

  • Tulang/Awiting Panudyo
  • Tugmang de-Gulong
  • Bugtong
  • Palaisipan
    Maituturing na pinakamatandang sining ang tula sa kulturang Pilipino. Tula ang pinagmulan ng iba pang mga sining tulad ng awit, sayaw, at dula. Batay sa kasaysayan, ang mga unang Pilipino ay may likas na kakayahang magpahayag ng kanilang kaisipan sa pamamagitan ng mga salitang naiaayos sa isang maanyong paraan kaya kinakikitaan ng sukat at tugma. Katunayan, ang mga salawikain at kawikaan ay kaakibat sa tuwina ng mga pahayag ng mga Pilipino noong unang panahon. 
    Ang pagkadiwang makata ay likas sa ating mga ninuno. Ayon kay Alejandro Abadilla, "Bawat kibot ng kanilang bibig ay may ibig sabihin at katuturan. Ito ang ipinalalagay na pangunahing dahilan kung bakit nabuo ang iba pang mga akdang patula tulad ng tulang panudyo, tugmang de-gulong, bugtong at palaisipan, at iba pang kaalamang-bayan.

1. Tulang/Awiting Panudyo

    Ito ay isang uri ng akdang patula na kadalasan ang layunin ay manlibak, manukso o mang-uyam. Ito ay kalimitang may himig nagbibiro kaya ito ay kilala rin sa tawag na Pagbibirong Patula.
Halimbawa:
Ako ay isang lalaking matapang
Huni ng tuko ay kinatatakutan.
Nang ayaw maligo, kinuskos ang gugo.
Pedro Penduko, matakaw sa tuyo.

Si Maria kong Dende
Nagtinda sa gabi
Nang hindi mabili
Umupo sa tabi


2. Tugmang de-gulong

    Ito ay ang mga paalala o babala na kalimitang makikita sa mga pampublikong sasakyan. Sa pamamagitan nito ay malayang naipararating ang mensaheng may kinalaman sa pagbibiyahe o paglalakbay ng mga pasahero. Maaaring ito ay nasa anyong salawikain, kasabihan, o maikling tula. Karamihan ng mga uri ng tugmang ito ay binuo ni Dr. Paquito Badayos.
Narito ang ilan sa mga halimbawa nito:
a. Ang di magbayad mula sa kanyang pinanggalingan ay di makababa sa kanyang paroroonan.
b. Aanhin pa ang gasolina kung jeep ko ay sira na.
c. Ang di magbayad walang problema, sa karma pa lang, bayad ka na.

3. Bugtong

    Ito ay isang pahulaan sa pamamagitan ng paglalarawan. Binibigkas ito nang patula at kalimitang maiksi lamang. Noon karaniwan itong nilalaro sa lamay upang magbigay aliw sa mga namatayan ngnunit nang lumaon ay kinagigiliwan na ring laruin kapag may mga handaan o pistahan. Ilan sa mga halimbawa ng bugtong ang mga sumusunod:
a. Gumagapang pa ang ina, umuupo na ang anak. (Sagot: kalabasa)
b. Maliit pa si Totoy marunong nang lumangoy. (Sagot: isda)
c. Nagtago si Pilo nakalitaw ang ulo. (Sagot: pako)

4. Palaisipan

    Ang palaisipan ay nasa anyong tuluyan. Layunin nito ang pukawin at pasiglahin ang kaisipan ng mga taong nagkakatipon-tipon sa isang lugar. Ito ay paboritong pampalipas oras ng ating mga ninuno. Ito ay nangangahulugan lamang na ang mga sinaunang Pilipino ay sanay mag-isip at kanilang ipinamana ito sa kanilang mga inapo.
    Ang ganitong uri ng panitikan ay laganap pa rin hanggang sa kasalukuyang panahon sapagkat ito'y talaga namang nakapagpapatalas sa isipan ng mga mag-aaral. Ito ay hindi lamang pinag-uusapan at pinag-iisipan sa mga pagtitipon kundi maging sa usapan sa Internet.
Halimbawa:
Sa isang kulungan ay may limang baboy si Mang Juan. Lumundag ang isa. Ilan ang natira?
(Sagot: Lima pa rin kasi lumundag lang naman ang baboy at hindi umalis.)

May isang bola sa mesa. Tinakpan ito ng sombrero. Paano nakuha ang bola nang di man lamang nagalaw ang sombrero?
(Sagot: Butas ang tutok ng sombrero.)


Sanggunian:
 Baisa-Julian, A.G., Lontoc, N.S, Esguerra, C.H., & Dayag, A.M. (2014).
                       Pinagyamang Pluma 7. Quezon City: Phoenix Publishing House.

0 comments:

Mag-post ng isang Komento