Get me outta here!

Miyerkules, Enero 31, 2024

Kayarian ng Salita

 Kayarian ng Salita

Ang Kayarian ng salita- Dito malalaman kung papaano nabuo ang mga salita, kung ito ba ay salitang-ugat lamang, o may ikinakabit na panlapi, inuulit o tambalan. Ang salita ay may apat na kayarian. Ito ay ang Payak, Maylapi, Inuulit o Tambalan.

Kayarian ng Salita

1. Payak

Payak– Ang salita ay payak kung ito ay salitang-ugat lamang, walang panlapi, hindi inuulit at walang katambal na ibang salita. Halimbawa:

  • bahay 
  • ganda                                  
  • aklat
  • takbo                      
  • sariwa                      
  • bango                          
  • kristal
  • bakasyon

2. Maylapi

Maylapi– Maylapi ang salitang binubuo ng salitang-ugat at isa o higit pang panlapi. Tulad ng:

  • umalis                                 
  • tinulungan
  • magtakbuhan                                
  • tindahan
  • umasa                                 
  • bumasa
  • basahin                      
  • sambahin

Uri ng Panlapi

Maaaring isa o higit pang panlapi ang matatagpuan sa isang salitang-ugat. Maaaring nasa unahan, gitna o sa hulihan. Buhat nito, may iba’t ibang uri ng panlapi

a. unlapi.   Ito ay mga panlapi na ikinakabit sa unahan ng salitang-ugat.

Um+asa=umasa
Mag+aral=mag-aral
Mang+isda=mangisda

b. gitlapi.   Ito ang mga panlaping isinisingit sa pagitan ng unang katinig at kasunod nitong patinig. Madaling salita, ang gitlapi ay mamatgpuan sa gitna ng salitang-ugat. Nagagamit lamang ang gitlapi kung ang salitang-ugat ay nagsisimula sa katinig.

-um-+basa=bumasa
-in-+sulat=sinulat
-um-+punta=pumunta
-in-+biro=biniro

chulapi.    Ito ay mga panlaping matatagpuan sa hulihan ng salitang-ugat.

Halimbawa:

-hin     +     basa =          basahin

-an      +    gupit  =          gupitan

-in       +     sulat =          sulatin

-han    +     una  =          unahan

Mapapansin na ang –hin at –han ay hinuhulapi sa mga salitang nagtatapos sa patinig. Samantalang ang –in at –an ay hinuhulapi sa mga salitang nagtatapos sa katinig at sa impit na tunog na itinuturing din na isang ponemang katinig. Tulad ng sumusunod:

-in + basa /basa?/ = basain

hindi basahin

d. kabilaan.    Kabilaan ang tawag sa mga panlaping nasa unahan at hulihan ng salitang-ugat.

  • ka- -an        +     laya   =                   kalayaan
  • mag- -an     +     mahal =   magmahalan
  • pala- -an  +     baybay =  palabaybayan
  • tala- -an    +     araw      =                 talaarawan

e. laguhan. Laguhan ang tawag sa mga panlaping nasa unahan, gitna at hulihan ng salitang-ugat.

pag- -um- -an+sikap=pagsumikapan
mag- -in- -an+dugo=magdinuguan

(Pansinin na ang o ay nagiging u kapag hinuhulapian. Pansinin rin kung saan inilalagay ang mga gitling ayon sa uri ng panlaping tinutukoy).

3. Inuulit

Inuulit– Makabubuo ng mga salita sa tulong ng reduplikasyon ng salitang-ugat. Maaaring ulitin ang salitang-ugat ayon sa uri nito:

a. parsyal o di-ganap na pag-uulit. Inuulit lamang ang isa o higit pang pantig o silabol ng salitang-ugat at kahit may panlapi pa ito, tulad nito:

  • alis = aalis
  • ani = aani
  • lipad = lilipad
  • ligaya = liligaya

b. Buo o ganap na pag-uulit. Inuulit ang buong salitang-ugat nang may pang-akop o wala o may panlapi o wala. Paalala lamang na ang salitang ugat lamang ang inuulit.

araw=araw-araw
sino=sino-sino
iba=ibang-iba
marami=marami-rami
ayaw=ayaw na ayaw
tao=tau-tauhan

cMagkahalong ganap at di-ganap na pag-uulit.  Ito ang tawag kapag inuulit ang isang bahagi at ang kabuuan ng salita.

  • lipad   =  lilipad-lipad
  • payag = papayag-payag
  • tatlo    = tatatlo-tatlo
  • takbo   = tatakbu-takbo
  • ilan       =  iilan-ilan

4. Tambalan

Tambalan.   Ang dalawang salitang pinagsasama para makabuo ng isa lamang salita ay tinatawag na tambalang salita. May dalawa itong uri. ang tambalang di ganap at tambalang ganap.

a. Tambalang di-ganap.    Sa uring ito, ang taglay na kahulugan ng dalawang salitang pinagtatambal ay hindi nawawala. Walang ikatlong kahulugang nabubuo. Halimbawa, sa tambalang-salitang bahay-kubo, ang kahulugan ng bahay ‘tirahan ng tao’ at ang kahulugan ng kubo ‘maliit na bahay na yari sa mga karaniwang materyales’ ay kapwa nananatili sa kahulugan ng salitang nabubuo. Ito ay nilalagyan ng gitling bilang pampalit sa mga katagang kinaltas.

Iba pang halimbawa:

  • Asal-hayop (asal ng hayop)
  • kulay-dugo (kulay ng dugo)
  • ingat-yaman  (ingat ng yaman)
  • bahay-ampunan  (bahay na ampunan)
  • silid-tanggapan (silid na tanggapan)
  • daang-bakal  (daan na bakal)

b. Tambalang ganap.   Sa uring ito, ang dalawang salitang pinagtatambal ay nakabubuo ng ikatlong kahulugang iba kaysa isinasaad ng mga salitang pinagsasama. Hindi ito ginagamitan ng gitling.

  • basag + ulo       = basag-ulo
  • hampas + lupa  = hampaslupa
  • bahag + hari      = bahaghari (rainbow)
  • balat + sibuyas  = balatsibuyas
Sanggunian: 
Jaime (2022, March 15). Kayarian ng Salita. https://aralinph.com/kayarian-ng-salita/

Parabula ng Alibughang Anak

Parabula ng Alibughang Anak


May isang mayaman na may dalawang anak na lalaki. Ang pinakabata ay lumapit sa ama at hiningi ang kanyang mana.


Kaya ang ginawa ng matanda ay hinati niya ang kaniyang kayamanan sa dalawa. Ilang araw ang nakalipas, umalis ang bunsong anak at nangibang bayan. Inubos niya ang lahat ng ibinigay sa kaniya ng ama.

Nagkaroon ng matinding taggutom sa bansang iyon kaya napilitan siyang mamasukan sa isang mamamayan na nagpadala sa kaniya sa bukid bilang tagapagpakain ng baboy.
Habang nagtitiis siyang kumain ng kaning baboy dahil wala namang ibinibigay sa kanyang pagkain, naalala niya ang kaniyang ama at ang mga katulong nito sa kanilang sariling pataniman.

Naisip niyang bakit siya magtitiis na mamatay sa gutom habang ang mga katulong ng kaniyang ama ay sagana sa pagkain.

Minabuti niyang umuwi at humingi ng patawad at handa siyang magtrabaho kahit na bilang katulong lang. Malayo pa lang siya ay natanaw na siya ng kaniyang ama na tumakbo at siya ay niyakap at hinalikan.

Tinawag nito ang kaniyang mga katulong at inutusang bihisan ang kaniyang anak ng magarang kasuotan, bigyan ng sapatos at singsing sa kaniyang daliri. Iniutos din niya ang magpatay ng baka upang ipadiwang ang pagbalik ng kaniyang anak.

Ang panganay niyang anak na nasa pataniman ay narinig ang musika at ang pagsasaya habang siya ay papalapit sa bahay. Tinanong niya ang isa sa mga utusan kung ano ang kasayahang yaon. Nalaman niya na nadiriwang ang kaniyang ama sa pagbalik ng kaniyang anak.


Parabula ng Alibughang Anak

Nagalit ang panganay na anak at ayae niyang pumasok para sumali sa pagdiriwang.

Sinumbatan niya ang kaniyang ama tungkol sa kaniyang pagsisilbi dito na parang alipin subalit ni minsan ay hindi siya binigyan ng kahit maliit na kambing para magsaya kasama ang kaniyang mga kaibigan. PEro noang dumating ang kaniyang kapatid na nilustay ang kaniyang mana sa mga masasamang babae, ito ay binigyan pa ng pagsalubong.

Sinagot siya ng kaniyang ama na siya ay naroong kasama niya at lahat ng kasaganaang tinatamasa niya ay kasama siya samantalang ang kapatid niya ay nawala at bumalik. Tila siya namatay na nabuhay ulit.


Lukas 15:11-3

Sanggunian: elampara.weebly.com

Mga Salitang Ginagamit sa Impormal na Komunikasyon

 

Mga Salitang Ginagamit sa Impormal na Komunikasyon

    Ang mga salitang karaniwan at palasak na ginagamit sa mga pang-araw-araw na pakikipag-usap at pakikipagsulatan sa mga kakilala at kaibigan ay kabilang sa impormal na mga salita. Ang impormal na salita ay nauuri sa apat.

1. Lalawiganin (Provincialism)

    Ito ang mga salitang kilala at saklaw lamang ng pook na pinaggagamitan nito. Kapansin-pansin ang mga lalawiganing salita, bukod sa iba ang bigkas, may kakaiba pang tono ito.
Halimbawa: tugang (Bikol), dako (Bisaya), ngarud (Ilokano)

2. Balbal (Slang)

    Ang mga salitang ito ay tinatawag sa Ingles na slang. Ang mga salitang ito noong una ay hindi tinatanggap ng matatanda at mga may pinag-aralan dahil hindi raw magandang pakinggan. Ang mga salitang balbal ay tinatawag ding salitang kanto o salitang kalye.
Halimbawa: erpat - tatay                    tsikot-kotse
                    sikyo-security guard       lispu-pulis
                    yosi-sigarilyo                  praning-baliw

3. Kolokyal (Colloquial)

    Ito ay mga salitang ginagamit sa pang-araw-araw na pakikipagtalastasan ngunit may kagaspangan at pagkabulgar, bagama't may anyong repinado at malinis ayon sa kung sino ang nagsasalita.
Halimbawa:         Pormal                    Kolokyal
                             aywan                       ewan
                             piyesta                      pista
                             nasaan                       nasan

4. Banyaga

     Ito ay mga salitang mula sa ibang wika. Ang ating wika ay mayaman sa wikang banyaga. Karamihan sa mga ito ay pangalang tiyak, wika, teknikal, pang-agham, simbolong pangmatematika, o mga salitang banyagang walang salin sa wikang Filipino.

Palabuoan ng mga Salitang Balbal

    Kung paano binubuo ang mga karaniwang salita, ang pagkalikha ng mga salitang balbal ay mayroon ding pinagmulan. Narito ang kategorya ng mga salitang malimit nating marinig sa kasalukuyan di lamang sa kabataan kundi maging sa ilang matatanda.

1. Hinango mula sa mga salitang katutubo

Halimbawa:
    gurang (Bikol, Bisaya) - matanda
    utol (Bisaya) - kapatid
    buang (Bisaya) - luko-luko
    pabarabaraybay (Tagalog) - paharang-harang

2. Hinango sa Wikang Banyaga

Halimbawa:
    tisoy, tisay (Espanyol: mestizo, mestiza)
    tsimay, tsimoy (Espanyol: muchacha, muchacho)
    toma (Espanyol: tomar) inom
    kosa (Russian Mafia: Cosa Nostra)
    sikyo (Ingles: security guard)
    orig (Ingles: original)
    sisiw (Ingles: chicks)

3. Binaligtad (Inverted or Reversed Category)

Halimbawa: 
    gat-bi - bigat            = heavy burden
    tom-guts - gutom     = hungry
    astig- tigas               = strong/influential
    todits-dito                = here
    tsikot-kotse              = car
    lispu-pulis                = policeman

4. Nilikha (Coined Words)

Halimbawa:
    paeklat-maarte        = overacting
    espi-esposo             = husband
    hanep-papuri          = praise/appreciation
    bonsai-maliit          = very small


5. Pinaghalo-halo (Mixed Category)

Halimbawa:
    kadiri - pag-ayaw/pagtanggi     = dislike
    kilig to the bones - paghanga    = crush
    in-na-in - naayon/uso                = following the trends
 

6. Iningles (Englisized Category)

Halimbawa:
    jinx-malas                             = bad luck
    weird-pambihira                   = rare/unusual
    badtrip-kawalang pag-asa     = hopeless/frustrated
    yes, yes, yo - totoo                = approved

7. Dinaglat (Abbreviated Category)

Halimbawa:
    KSP - Kulang Sa Pansin
    SMB - Style Mo Bulok
    JAPAN - Just Always Pray At Night

8. Pagsasalarawan o Pagsasakatangian ng Isang Bagay

Halimbawa:
    yoyo- (dahil ang relo ay hugis yoyo)
    lagay- (dahil ang suhol ay inilalagay o isinisingit para hindi mahalata ang pagbibigay)
    boga - (dahil ang baril ay parang bumubuga)
    basag, durog - (dahil nawawala sa sariling isip kapag nakadroga)


Sanggunian:
Baisa-Julian, A.G., Lontoc, N.S, Del Rosario, M.G., & Dayag, A.M. (2017).
                       Pinagyamang Pluma 8. Quezon City: Phoenix Publishing House.




Mga Kaalamang-Bayan

 

MGA KAALAMANG-BAYAN

Tatalakayin dito ang mga paksang tungkol sa:

  • Tulang/Awiting Panudyo
  • Tugmang de-Gulong
  • Bugtong
  • Palaisipan
    Maituturing na pinakamatandang sining ang tula sa kulturang Pilipino. Tula ang pinagmulan ng iba pang mga sining tulad ng awit, sayaw, at dula. Batay sa kasaysayan, ang mga unang Pilipino ay may likas na kakayahang magpahayag ng kanilang kaisipan sa pamamagitan ng mga salitang naiaayos sa isang maanyong paraan kaya kinakikitaan ng sukat at tugma. Katunayan, ang mga salawikain at kawikaan ay kaakibat sa tuwina ng mga pahayag ng mga Pilipino noong unang panahon. 
    Ang pagkadiwang makata ay likas sa ating mga ninuno. Ayon kay Alejandro Abadilla, "Bawat kibot ng kanilang bibig ay may ibig sabihin at katuturan. Ito ang ipinalalagay na pangunahing dahilan kung bakit nabuo ang iba pang mga akdang patula tulad ng tulang panudyo, tugmang de-gulong, bugtong at palaisipan, at iba pang kaalamang-bayan.

1. Tulang/Awiting Panudyo

    Ito ay isang uri ng akdang patula na kadalasan ang layunin ay manlibak, manukso o mang-uyam. Ito ay kalimitang may himig nagbibiro kaya ito ay kilala rin sa tawag na Pagbibirong Patula.
Halimbawa:
Ako ay isang lalaking matapang
Huni ng tuko ay kinatatakutan.
Nang ayaw maligo, kinuskos ang gugo.
Pedro Penduko, matakaw sa tuyo.

Si Maria kong Dende
Nagtinda sa gabi
Nang hindi mabili
Umupo sa tabi


2. Tugmang de-gulong

    Ito ay ang mga paalala o babala na kalimitang makikita sa mga pampublikong sasakyan. Sa pamamagitan nito ay malayang naipararating ang mensaheng may kinalaman sa pagbibiyahe o paglalakbay ng mga pasahero. Maaaring ito ay nasa anyong salawikain, kasabihan, o maikling tula. Karamihan ng mga uri ng tugmang ito ay binuo ni Dr. Paquito Badayos.
Narito ang ilan sa mga halimbawa nito:
a. Ang di magbayad mula sa kanyang pinanggalingan ay di makababa sa kanyang paroroonan.
b. Aanhin pa ang gasolina kung jeep ko ay sira na.
c. Ang di magbayad walang problema, sa karma pa lang, bayad ka na.

3. Bugtong

    Ito ay isang pahulaan sa pamamagitan ng paglalarawan. Binibigkas ito nang patula at kalimitang maiksi lamang. Noon karaniwan itong nilalaro sa lamay upang magbigay aliw sa mga namatayan ngnunit nang lumaon ay kinagigiliwan na ring laruin kapag may mga handaan o pistahan. Ilan sa mga halimbawa ng bugtong ang mga sumusunod:
a. Gumagapang pa ang ina, umuupo na ang anak. (Sagot: kalabasa)
b. Maliit pa si Totoy marunong nang lumangoy. (Sagot: isda)
c. Nagtago si Pilo nakalitaw ang ulo. (Sagot: pako)

4. Palaisipan

    Ang palaisipan ay nasa anyong tuluyan. Layunin nito ang pukawin at pasiglahin ang kaisipan ng mga taong nagkakatipon-tipon sa isang lugar. Ito ay paboritong pampalipas oras ng ating mga ninuno. Ito ay nangangahulugan lamang na ang mga sinaunang Pilipino ay sanay mag-isip at kanilang ipinamana ito sa kanilang mga inapo.
    Ang ganitong uri ng panitikan ay laganap pa rin hanggang sa kasalukuyang panahon sapagkat ito'y talaga namang nakapagpapatalas sa isipan ng mga mag-aaral. Ito ay hindi lamang pinag-uusapan at pinag-iisipan sa mga pagtitipon kundi maging sa usapan sa Internet.
Halimbawa:
Sa isang kulungan ay may limang baboy si Mang Juan. Lumundag ang isa. Ilan ang natira?
(Sagot: Lima pa rin kasi lumundag lang naman ang baboy at hindi umalis.)

May isang bola sa mesa. Tinakpan ito ng sombrero. Paano nakuha ang bola nang di man lamang nagalaw ang sombrero?
(Sagot: Butas ang tutok ng sombrero.)


Sanggunian:
 Baisa-Julian, A.G., Lontoc, N.S, Esguerra, C.H., & Dayag, A.M. (2014).
                       Pinagyamang Pluma 7. Quezon City: Phoenix Publishing House.

Ang Sariling Wika (Tulang Kapampangan)

 


Ang Sariling Wika

Ang sariling wika ng isang lahi
Ay mas mahalaga sa kayaman
Sapagkat ito'y kaluluwang lumilipat
Mula sa henerasyon patungo sa iba
Nangangalap ng karanasan, gawi,
Pagsamba, pagmamahal, pagtatangi at pagmithi.

Nais mo bang mabatid layunin ng kanyang puso,
Ang kanyang mga pangarapin.
Mainit na pagmamahal na sa puso'y bumubukal
Kasama ng mahalagang layuning nabubuo sa isipan?
Pakinggan ang makahulugang gintong salita
Na sa kanyang bibig ay nagmumula.

Mananang wikang itinanim sa isipan
Iniwan ng ninuno, tula ng iniingatang yaman
Pamanang yamang di dapat pabayaan
At dapat pagyamanin ng mga paghihirap
Para sa kaunlaran, di dapat masayang
Tulad ng halaman na natuyot at nangalagas sa tangkay.

Minana nating wika'y
Maihahambing sa pinakadakila
Ito'y may ganda't pino,
aliw-iw at himig na nakahahalina
Init nito't pag-ibig mula sa musa
Pagpahayag ng pagmamahal ay kanyang kinuha.

Wikang Kapampangan, buo ang iyong ganda
Ang himig ng iyong tunog
Tulad ng pagaspas ng bagwis ng mga ibon
Tulad ng awit na likha ng brilyanteng makinang
Tulad ng lagaslas ng himig ng tubigan
Tulad ng awit ng malamig nang hangin amihan.

Wikang Kapampangan, ikaw ay mahalaga
Sa lahat ikaw ay maikokompara
Ikaw ang mapagmahal at matamis na pahayag ng pag-ibig
Tulad mo'y walang katapusang awit
Ang lahat sa iyo ay tulad ng bumubukang bulaklak.

Sinulat ni Lourdes C. Punzalan mula sa orihinal nito sa Kapampangan
na may pamagat na "Ing Amanung Siswan nu Monico r Mercado"


Sanggunian:

Baisa-Julian, A.G., Lontoc, N.S, Esguerra, C.H., & Dayag, A.M. (2014).

                       Pinagyamang Pluma 7. Quezon City: Phoenix Publishing House.

Ponemang Suprasegmental



PONEMANG SUPRASEGMENTAL

    Ang Ponemang Suprasegmental ay mahalaga para sa mabisang pakikipagtalastasan. Nakatutulong ito upang maging mas malinaw at maiparating ang tamang damdamin sa pagpapahayag.
 
1. Intonasyon, Tono, at Punto
    Ang intonasyon ay tumutukoy sa pagtaas at pagbaba na inuukol sa pagbigkas ng pantig sa salita na maaaring makapag-iba sa kahulugan ng mga salita maging ang mga ito man ay magkapareho ng baybay. Ang tono ng pagsasalita ay nagpapahayag ng tindi ng damdamin samantalang ang punto ay ang rehiyonal na tunog o accent.

Halimbawa:
1. Ang ganda ng tula? (Nagtatanong/Nagdududa)
2. Ang ganda ng tula. (Nagsasalaysay)
3. Ang ganda ng tula! (Nagpapahayag ng kasiyahan)

2. Diin at Haba
    Ang haba ay tumutukoy sa haba ng bigkas na inuukol ng nagsasalita sa patinig ng pantig ng salita. Ang diin naman ay tumutukoy sa lakas ng bigkas sa pantig ng salita.

Halimbawa:
1. /balah/     (bullet)
2. /bala/       (threat)
3. /tu.boh)    (pipe)
4. /tuboh/     (sugar cane)

3. Hinto o Antala
Ito ay saglit na pagtigil sa pagsasalita upang higit na maging malinaw ang mensaheng ipinapahayag. Ginagamit ang kuwit, tuldok, semi-kolon, at kolon sa pagsulat upang maipakita ito.

Halimbawa:
1. Hindi maganda. (sinasabing hindi maganda ang isang bagay)
2. Hindi, maganda. (pinasusubalian ang isang bagay at sinasabing maganda ito)

    Bukod sa mga ponemang suprasegmental ay nakatutulong din sa mabisang pagpapahayag ang mga di-berbal na palatandaan gaya ng kumpas at galaw ng mata at katawan lalo na sa pagbigkas ng tula.
    Ang pagkumpas ay mahalagang sangkap sa sining ng pagbigkas ng tula. Ginagamit ito upang maihatid ang damdamin ng tula sa madla o mailarawan ang kaisipang inilalahad nito. Dapat tandaan na ang bawat kumpas ay kailangang maging natural, hindi pabigla-bigla ang pagtaas o pagbababa ng kamay. Hindi pasulpot-sulpot ang kamay at lalong hindi palamya-lamya ang galaw ng bisig. Kailangang ang kumpas ay maging angkop sa daloy ng damdaming nais ilarawan. Ang wastong pagkumpas ay nakatutulong sa pagtaas ng damdamin hanggang marating ang pinakamaigting na damdaming inihahatid sa madla.
    Gayundin, mahalaga sa pagbigkas ang pagdisiplina. Maging ang galaw ng mata at katawan ay dapat magkaroon ng kaisahan. Kung ang pokus ng paningin ay sa gawing kaliwa, lahat ng pares ng mata ay dito dapat nakatuon. Ang paglalapat ng angkop na galaw ay nakadaragdag sa kagandahan o kasiningan sa pagpapahayag. Ang kumpas o kilos na gagawin ay dapat umaayon sa diwang isinasaad ng nais sabihin o bigkasin.

Sanggunian:
Baisa-Julian, A.G., Lontoc, N.S, Esguerra, C.H., & Dayag, A.M. (2014).
                     Pinagyamang Pluma 7. Quezon City: Phoenix Publishing House.

Martes, Enero 16, 2024

TOP 5 HAMON BILANG GURO NGAYONG PANAHON NG MAKABAGONG TEKNOLOHIYA

 

TOP 5 HAMON BILANG GURO NGAYONG PANAHON NG MAKABAGONG TEKNOLOHIYA

    Bilang isang guro, ramdam ko ang mga hamon na kinakaharap ng mga tulad kong nasa larangan ng pagtuturo. Totoo, ang makabagong teknolohiya ay may malaking epekto at ambag sa ating buhay. Bilang isang indibidwal na namulat at sanay na sa ganitong pamumuhay, tila mahihirapan tayong suungin ang kahit isang araw pa lamang na wala ito. Ngunit, ano nga ba ang makabagong teknolohiya o modern techology sa ingles? Ang makabagong teknolohiya ay anumang may kinalaman sa kahusayan at bilis. Sa panahon ngayon, anumang may kaugnayan dito ay mas tinatangkilik ng masa. Halimbawa na lamang ang paggamit ng internet sa tuwing mayroon kang ninanais na malaman na impormasyon. Ang paggamit ng cellphone o smartphones na kung saan ay halos all-in-one na sapagkat mayroon na itong radyo, calculator, kalendaryo, flashlight, at marami pang iba. Kaysa magluto, gagamit ng mga delivery platforms tulad ng food panda, grab, at iba pa. 

    Sa blog na ito, iisa-isahin ko ang mga hamon na aking naranasan at patuloy na nararanasan bilang isang guro.

1. Kakulangan sa kagamitan at internet access

    Bilang isang guro, ninanais kong makasabay sa panahon ng makabagong teknolohiya. Gumagamit at naghahanap ako ng mga mobile applications o online platforms na makatutulong hindi lamang sa aking pagtuturo ngunit pati na rin pagkatuto ng aking mga mag-aaral. Ngunit nagiging hadlang ang kakulangan ng kagamitan at hindi pantay na internet access ng aking mga mag-aaral. Sa aming mga pagsasanay o training bilang mga guro, mayroong mga online platforms at apps ang iminumungkahing gamitin sa klase upang mas maengganyo ang mga mag-aaral sa pakikinig o pakikisangkot sa klase ngunit, dahil nga sa kakulangan ng kagamitan at hindi pantay na internet access ng aking mga mag-aaral, limitado lamang ang aming nagagawa. Hindi naman magandang pabayaan na lamang ang mga estudyanteng walang smartphones at hindi naman nakabubuti ang palaging paghiram nila sa kanilang mga kaklase ng nasabing gadget.

    Ang mga pagkakataong tulad nito ay patunay na isa itong malaking hamon sa gurong katulad ko. Hindi lamang ako ang nakararanas nito. Ang hindi pantay-pantay na access sa teknolohiya at kakulangan sa kagamitan ay nananatiling malaking hamon sa mga guro sa Pilipinas.

2. Professional Development

    Upang makasabay sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, kinakailangan na mabilis din ang pakikibagay dito ng mga guro. Upang maisagawa ito, kinakailangan ang mga pagsasanay na may kinalaman sa makabagong teknolohiya. Makatutulong ito higit lalo na sa mga guro na hindi pamilyar dito. Ang paggamit ng mga softwares tulad ng microsoft office na word document, excel, publisher, at iba pa ay talagang makatutulong dahil ito ang malimit na kaagapay namin sa aming mga gawain. Maging ang paggamit ng mga social media platforms upang makatulong sa mga guro at mag-aaral. Personal kong ginagamit ang facebook sa aking mga klase sapagkat dito ay mas madali kong naipababatid ang aming paksa o aralin sapagkat halos lahat ng aking mga mag-aaral ay mayroong account dito. Marami pang iba na maaaring maging kaagapay naming mga guro sa pagtuturo ngunit aminin natin na upang maisagawa ito ay kinakailangan ang oras, pondo, at suporta mula sa paaralan. Kung wala ang mga ito, masasabi kong magiging hadlang ito upang magkaroon ng pag-unlad at bagong kaalaman at kasanayan ang ating mga guro.

3. Digital Literacy


    Ano nga ba ang Digital Literacy? Ang pagiging digitally literate ay nangangahulugang ng pagkakaroon ng abilidad na makibagay sa pagbabagong dulot ng mga kompyuter sa paraang nagkakaroon ito ng kabuluhan sa iyong buhay. 

    Hindi lahat ng guro ay may sapat na kaalaman at kasanayan dito. Mahihirapan ang isang guro na turuan ang mga bata ngayon kung wala siyang kaalaman at kasanayan dito sapagkat ang mga kabataan ngayon ay sanay at mas natuto kung may integrasyon ng teknolohiya.

4. Seguridad at Privacy Concerns



   Tandaan, kung ang mga mag-aaral natin ay exposed sa pagiging high-tech, ganoon din ang mga manloloko o may masasamang balak. Nararapat lamang na bilang isang guro ay maging maingat tayo sa ating mga ipinapakita online higit lalo na kung ito ay bukas sa publiko. Kinakailangan din na protektahan natin ang impormasyon hindi lamang ng ating sarili kung hindi ay pati na rin ang tungkol sa mga mag-aaral. Palaging humingi ng permiso sa mga magulang ng iyong mga mag-aaral kung ikaw ay magpapaskil o magpopost ng kahit na anumang larawan o tungkol sa kanilang mga anak upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan at anumang masamang balak. 

5. Interes ng mga Mag-aaral



    Ang mga mag-aaral natin ay namulat sa mundo ng makabagong teknolohiya. Mas madali rin silang natututo kung sasabayan ito ng panonoood, pagsayaw, pag-awit, at iba pang pamamaraan ng pagtuturo. Hindi na epektibo ang tradisyunal na pagtuturo na kung saan ang guro lamang ang tatayo at magsasalita sa harap. Mas mapupukaw natin ang interes nila kung gagamit tayo ng mga teknolohiya na pupukaw sa kanilang galing at talento. Naipamamalas din nila ang kanilang pagkamalikhain at natatagong potensyal sa kanilang partisipasyon sa klase.

Lunes, Enero 15, 2024

MGA DAPAT MAIPABATID SA MGA SOCIAL MEDIA USER

 



MGA DAPAT MAIPABATID SA MGA SOCIAL MEDIA USER

Pananalita sa Social Media for Social Change Forum ng Kabataan Partylist 
para sa pagdiriwang ng World Social Media Day
Infinitea Maginhawa, June 30, 2013

Magandang hapon po at happy social media weekend sa inyong lahat. Kahapon ay nagkita-kita na ang ilan sa atin. Dumalo ako sa #fwdPH ng TweetUp Manila, at ikinagagalak kong maging bahagi ng social media forum ng Kabataan Party, na matagal nang nakakapartner sa iba’t ibang gawain ng ngayo’y lulubog-lilitaw kong Tinig.com, at ng inactive na ring Bloggers Kapihan — na sana’y maibalik natin ngayong taon.

Ngayong araw, nagsasalita po ako hindi bilang empleyado ng kompanyang aking pinagtatrabahuhan kundi bilang isang matagal-tagal na ring blogger at isa sa mga naunang sawsawero sa mundo ng social media.

May sampung taon na mula nang maadik tayo sa Friendster. Naaliw tayo sa pagba-browse ng latest pictures ng mga kaibigan natin. Para sa mga kaedaran ko rito, hinanap natin at inalam kung ano na ang hitsura ng mga kaibigan at mga crush natin noong elementary. Excited tayong naghintay, at minsa’y nangulit pa — na bigyan ng testimonial ng Friendster friends natin. Hanggang sa nailang na tayo sa kakaibang themes sa Friendster at nakilala natin ang Facebook. Kalaunan, dumating na rin ang Twitter. Sinundan pa yan ng Google Plus, Instagram, Pinterest, Vine, at iba pa.

Unti-unti na ring nag-evolve ang paggamit natin sa social networking services na ito, na ang nilalaman ay tinatawag natin ngayon collectively bilang social media. Mula sa pagiging personal journal na venue para makapagpahayag ng mga angas natin sa buhay — na siya pa rin namang pangunahing gamit nito para sa marami sa atin — nadagdagan na ito ng iba’t iba pa. Ginagamit na rin ng businesses at brands ang social media para mai-promote ang kanilang produkto; ng celebrities para maka-connect sa kanilang fans; ng mga politiko para sa pangangampanya. Pero alam kong bago pa man mauso itong huli, mayroon nang Kabataan Cyber-Fever noong 2007 ang Kabataan Party. Hindi pa sikat sa atin ang Twitter noon.

Gayunman, sa kabila ng dumaraming gamit ng social media, hindi tayo dapat magkaroon ng ilusyong may napakatindi na itong impact sa ating buhay.

Nariyan pa rin ang digital divide. Tingnan ang kasalukuyang estimates: out of around 97 million Filipinos, nasa 33 million pa lang ang may Internet access. Sa 33 milyong online, around 30 milyon ang may Facebook, 10 milyon lang ang may Twitter, at hindi pa natin alam kung ilan ang may Google Plus.

At sa nakalipas na eleksyon, nabigo ang social media na iluklok sa puwesto sina Teddy Casiño, Risa Hontiveros, Bro. Eddie Villanueva, Jun Magsaysay, Dick Gordon, at iba pang mga kandidatong matunog sa online social networks. Dinaig sila ni Nancy Binay, na tila hindi ganoon kaningning ang bituin sa online communities.
Sa kabila nito, hindi maitatangging kailangan nang paghandaan ang pagdating ng panahong halos lahat ng Pilipino ay nasa social media na. Kung paanong ngayon, halos lahat ng mga Pilipino ay may cellphone na, maaaring dumating ang panahong halos lahat ng Pilipino ay online na.
Isa sa magiging dahilan nito ang patuloy na pagdami ng smartphones. Ayon sa GFK, isang research firm, nakapagtala ang Pilipinas nang 146% increase sa sales ng smartphones mula April 2012 hanggang March 2013.
Samantala, habang nagpapatuloy ang kampanya para sa Better Internet sa bansa, unti-unti rin namang bumababa ang halaga ng access sa Internet.
Kabilang sa paghahanda sa pagdating ng panahong halos lahat ng Pilipino ay online na ay ang pagsisikap na maipakilala natin — ng mga mamamahayag, ng netizens, ng political at community leaders — sa madla kung ano-ano ba ang magiging pakinabang natin sa existing social networks na ito.
Sa tingin ko, dalawang level ito: pagtuturo sa mga individual at pagtuturo sa mga institusyon.
Kailangang simulan sa napaka-basic gaya ng ano-ano ba ang kailangan para magkaroon ng Twitter o Facebook?
Ano-ano ang gamit ng mga ito? Ano ang pagkakaiba ng Twitter sa Facebook o ng Instagram sa Vine? Paano mag-sign-up? Paano mag-login? Sa ano-anong devices ito maaaring ma-access? Paano i-download ang app? Paano mag-post, mag-reply, at mag-comment?
Matapos pong pagtuunan ng technical aspect ng social networking sites, yung content naman ang mahalagang ipaunawa. Sisimulan din sa form ng content — na mahalaga pa ring tama ang English at Filipino grammar sa posts natin. Dapat hindi jejemon para madaling basahin. Ang posts, dapat hindi all caps — sa netiquette, o Internet etiquette, ang all caps ay pagsigaw.
Kailangan ding sagutin ang mga tanong gaya ng: OK lang bang i-crosspost ang tweets natin papuntang Facebook o vice-versa? Mahalagang ipaunawa sa users na bawat social networking sites ay may kaniya-kaniyang papel. Kaya sa iba, hindi okay ang magpopost ka sa Facebook at automatic na mapupunta sa Twitter with an ugly Facebook link. Or ‘yong tweet mo, including ‘yong my @ replies, mapupunta sa Facebook. But of course, matter of preference lang ‘yan.

Pero para sa akin, halimbawa, hindi tamang tadtarin mo ng links sa Foursquare logins mo ang Twitter timeline ng followers mo. Pakialam ko ba kung nasaang lugar ka? Kung gusto kong malaman kung nasaan ka minu-minuto, halimbawa, eh ‘di ia-add kita sa Foursquare. Ganyan din sa Instagram. Sa tingin ko, maling-mali na naka-share pa rin sa Twitter feed mo ang bawat Instagram posts mo. Hindi na kasi gaya ng dati na mapi-preview sa Twitter ang photo. Ngayon, kailangan mo nang i-click ang link para makita ang picture. Eh, kung gusto kong makita kung ano ang breakfast mo, o kung ano ang hitsura mo sa latest selfie mo, eh di ipa-follow kita sa Instagram.

Nabanggit ang selfie. Gaano kadalas ang minsan? Gaano ka ka-in love sa sarili mo? Medyo isyu na rin ito ng etiketa sa Internet.

Samantala, OK lang ba na ipost ang pictures ninyo ng mga kaibigan mo sa public timeline mo sa Facebook kahit walang permission ng mga kasama mo sa litrato? Paano kung pangit ang kuha nila? Ilan ‘yan sa mga isyung makakatulong tayo sa paglilinaw.

Balik tayo sa nilalaman ng social media. Laging trending sa Twitter ang KathNiel o ang JuliElmo loveteams. May mga iba pa bang bagay na maaaring i-tweet ang mga kabataang Twitter users? At least ang My Husbands’ Lover, na araw-araw ding nagte-trend, kahit paano’y nagdadala sa kamalayan ng publiko sa isyu ng LGBT community.

Mahalagang maipaalam sa netizens, lalo na sa mga kabataan, na ang social media ay magagamit din para sa pambansang layunin. Nariyan ang #epalwatch ng mga anti-epal, #sumbongko ng Comelec, #ang #FOInow ng nga nagsusulong ng transparency sa gobyerno, ang #itsmorefuninthephilippines at #lubak2normal ng gobyerno, ang #rescuePH na tumutulong sa panahon ng sakuna. Alam ko, ginagamit din ng Kabataan Party ang social media sa inyong Tulong Kabataan campaign.

Sa kabutihang-palad, may efforts naman mula sa iba’t ibang sektor para tutukan ang pag-i-educate sa publiko tungkol sa Internet at social media. Ang Bayantel, tinutulungan ni Lola Techie na gawing maaalam sa Internet ang senior citizens. Ang GMA Network, may Think Before You Click campaign na nagtuturo sa netizens na maging responsible online.

Sa level naman ng institutions, pinangungunahan ng pamahalaan ang paggamit ng social media for public information. Aktibo sina Manolo Quezon ng Malacañang sa paggamit nito. Nakikipag-usap din sila sa NGOs at media organizations para sa coordination sa public information on social media. Bunga nito ang common hashtags gaya ng #walangpasok, #floodPH, at iba pa. Noong panahon ni DILG Sec. Jesse Robredo, open siya sa mga ganyang suggestion. Lumapit ang GMA News sa opisina niya para isulong ang paggamit ng Twitter sa pag-a-announce ng suspension ng classes at iba pang public announcements kapag masama ang panahon. Kinalaunan, in-adopt ng gobyeno at ini-endorse ang common hashtag na #walangpasok.

Susunod na kailangang ipaalam sa prospective social network users ang implikasyon ng paggamit ng mga ito sa kanilang privacy at seguridad.

Mabalik tayo sa Foursquare. Safe ba na i-announce kung nasaan ka lagi? Puwede naman. Dapat lang, sigurado kang super close kayo ng lahat ng Foursquare friends mo. Kung magbabakasyon nang out of town at walang tao sa bahay, pigil-pigil muna sa pagpopost ng jumpshot sa beach. Puwedeng makipagkilala online, pero ingat sa mga impormasyong ibabahagi. May mga nakidnap na sa ganyan.

Para sa Kabataan Party, mahalagang i-consider sa inyong legislative efforts ang pagpapaalam sa mga tao sa kanilang online security. Siyempre kaagapay ito sa malalaki pang laban gaya ng pagre-review sa Anti-Cybercrime law.

Bago ko tapusin ito, naalala ko lang ang matagal nang debate ng bloggers vs. journalists. Nagkaroon ng kontrobersiya noon sa mungkahi ng propesor kong si Luis Teodoro na magandang mag-blog ang journalists at maging halimbawa ng ethical blogging sa mga bagong bloggers. Kinuwestiyon ng marami ang pakikialam daw ng mainstream journalists sa bloggers. Pero noon at ngayon, iisa lang naman ang mensahe. Sa pagpopost ng information na maaabot ng publiko sa alinmang platform, mahalagang maging responsible.

Naniniwala ako na ang mga bloggers at social media users — lalong-lalo na ang mga tumatalakay sa mga pampublikong isyu —  ay dapat maging ethical. Mahalaga ang transparency. Sa panahong andaming endorsements mula sa influential tweeps, dapat may disclosure.

Sa huli, nais kong isulong ang kahalagahan ng attribution sa social media. Usong-uso ngayon ang viral photos at videos. Sa kakapasa, napakahirap nang ma-trace ang orihinal na may-ari. Pero kung masanay ang mga netizen sa attribution, sa tamang pagki-credit sa gawa ng iba, mas madali ang pag-a-identify at pag-i-evaluate sa original na source ng info.

Makakatulong itong mapigilan ang misinformation at maisusulong ang intellectual honesty. At saka baka sakaling mabawas-bawasan ang mga estudyanteng magka-copy and paste ng assignment sa Wikipedia at manghihingi ng talumpati sa bloggers.

Maraming salamat po.

Sanggunian: ederic.net